
Mayo 21,1599 ng maitatag ang kabigha-bighani at kakaibang simbahan ng San Bartolome sa Poblacion, Malabon City.
Ang simbahan ay tunay na hinahangaan at dinarayo dahil sa taglay nitong kagandahan na babalot ng kapayapaan sa iyong puso at espiritwal na kaluluwa.
Ang simbahan na handog sa santong si Apostol Bartolome ay pinaniniwalang naging isang magiting na bahagi ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig kung saan ito ay bumagsak at paunti-unting nawasak. Gayunpaman, ang simbahan ay patuloy na naglingkod sa mga mamamayan ng Malabon at patuloy pa na naisaayos at napaganda sa paglipas ng panahon.
Sa aming paglalakbay sa loob ng marilag na simbahan ng San Bartolome ay sinalubong kami ng mala-gintong mga ilaw na nagpapatingkad sa payapang kulay ng nasabing simbahan. Ang loob ng pook ay punong puno ng mga simple ngunit magarbong palamuti. Ang bawat sulok ng naturang simbahan ay sumisigaw ng kabanalan at animo'y binabalot ng malamyos na musikang magpapakalma sa iyong damdamin. Ang simbahan ng San Bartolome sa kabuuan ay isang mahiwaga at maharlikang pook sambahan na nagbabahagi sa mga deboto ng kakaibang sining at natatanging mga kwento mula sa ating kasaysayan. Kaya naman hindi kataka-taka na ang simbahang ito na matatagpuan sa bayan ng Malabon ay talagang dinarayo at pinupuno ng mga dasal at awitin ng pagpupuri kay San Bartolome at higit sa lahat, sa Diyos na Maykapal. Ang pagbisita sa natatanging lugar na ito ay isang bago at kagalak-galak na karanasan para sa amin sapagkat ito ay nag iwan sa aming puso ng mga bakas ng kahapon at naghandog sa aming puso ng pambihirang kapayapaan at kaligayahan.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento